Source: MENRO Casiguran Aurora

Mula Enero hanggang Mayo 2026, patuloy na nagsagawa ang MENRO ng iba’t ibang hakbang upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng ating mga ilog at ibang katubigan. Ang mga gawaing ito ay suportado ng butihing Punong Bayan, Kgg. Roynald S. Soriano, na patuloy na nagbibigay ng direktiba at gabay sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan.

Sa unang bahagi ng taon, isinagawa ang malawakang inventory sa iba’t ibang barangay. Sinuri ang kalagayan ng mga babuyan, comfort rooms na malapit sa dagat at ilog, motor repair shops, carwash, at gasoline stations.

Sa isinagawang inspeksyon, natukoy na may ilang pasilidadβ€”lalo na ang mga babuyanβ€”na wala pang maayos na waste management system gaya ng septic tank. May ilan ding direktang naglalabas ng wastewater sa mga ilog at kanal, na maaaring magdulot ng polusyon.

Napansin din ang ilang isyu sa mga motor repair shops at carwash, kabilang ang hindi tamang paghawak ng used oil at pagdaloy ng wastewater sa lupa at drainage. Kaugnay nito, pinakiusapan ang mga may-ari ng motor repair shops na magtala o magsagawa ng inventory ng mga kumukuha ng used oil upang masiguro ang maayos at wastong disposal nito. Samantala, sa mga gasoline stations, bagama’t may mga spill kits at walang naitalang oil spill, karamihan ay wala pang oil-water separator.

Kasabay nito, tuloy-tuloy ang river monitoring na isinasagawa ng Clean Water Team ng MENRO upang masuri ang kondisyon ng mga ilog at matukoy ang mga posibleng pinagmumulan ng polusyon.

Ngayong buwan ng Mayo, nagsagawa ng follow-up inspection ang MENRO sa mga babuyang naitalang naglalabas ng wastewater sa ilog o kanal. Sila ay binigyan ng paalala at abiso na kinakailangang ilipat ang kanilang babuyan palayo sa katubigan o maglagay ng septic tank o containment pit upang maiwasan ang direktang pagdaloy ng dumi sa ilog.

Kasabay nito, patuloy ring isinagawa ang river clean-up activities sa Brgy. Bianoan, Dibet, at Calabgan, kung saan nilinis ang mga basurang naiipon sa mga ilog bilang bahagi ng pangangalaga sa ating likas na yaman.

Ang mga datos na nakalap mula sa isinagawang inventory at inspeksyon ay inilahad sa Municipal Water Quality Monitoring Committee upang mabigyan ng kaukulang solusyon at agarang aksyon ang mga natukoy na suliranin.

Sa kabuuan, layunin ng mga gawaing ito na maprotektahan ang ating mga ilog at baybayin laban sa polusyon at mapanatili ang malinis at ligtas na kapaligiran para sa lahat.

Patuloy na nakikiisa ang MENRO sa komunidad sa pagsusulong ng responsableng pangangalaga sa kalikasan para sa mas maayos na kinabukasan.