Source: Radyo Kawadi 100.7 FM

CASIGURAN, AURORA (Hunyo 18, 2026) – Matagumpay na nakilahok ang Casiguran District Hospital (CDH) sa isinagawang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw.

Ang malawakang pagsasanay na ito ay naging posible sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya sa ating bayan kabilang ang BFP Casiguran, Casiguran Municipal Police Station (MPS), at ang MDRRMO Casiguran.

Pangunahing layunin ng aktibidad na palakasin ang kahandaan ng bawat kawani ng ospital, mga pasyente, at mga katuwang na sektor sa panahon ng lindol at iba pang hindi inaasahang sakuna. Sa mismong drill, aktibong isinagawa ang tamang posisyon ng “Duck, Cover, and Hold” pati na rin ang mga standard na pamamaraan sa ligtas, mabilis, at maayos na paglikas (evacuation).

Sa pamamagitan ng regular na mga pagsasanay na katulad nito, patuloy na pinagtitibay ng CDH at ng lokal na pamahalaan ang kultura ng kaligtasan at katatagan para sa buong komunidad ng Casiguran.