Source: MENRO Casiguran Aurora


Ang Lokal na Pamahalaan ng Casiguran sa pamumuno ng ating butihing Mayor Roynald S. Soriano, ang aming tanggapan ay nagsasagawa ng Waste Analysis and Characterization Study (WACS) sa mga barangay ng 01–08 Poblacion, Marikit, Esperanza, Culat, Cozo, at San Ildefonzo simula noong July 20, 2026 hanggang sa kasalukuyan.

Ang WACS ay isang proseso ng pagkolekta, pagtitimbang, at pag-uuri ng mga basura upang matukoy ang dami at uri ng solid waste na nagmumula sa bawat barangay. Isinasagawa ito sa piling mga tahanan na kumakatawan sa kabuuang populasyon ng barangay.

Ang datos mula sa WACS ay magsisilbing batayan sa ating Sampung Taong Solid Waste Management Plan (10-Year SWMP). Sa pamamagitan nito, malalaman natin kung gaano karami at anong klase ng basura ang nagagawa ng bawat mamamayan, na makatutulong sa pagbuo ng mga programa, aktibidad, at proyekto para sa tamang pamamahala ng basura alinsunod sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ang aming tanggapan ay patuloy na makikipag-ugnayan sa lahat ng Barangay LGU upang matukoy ang mga halimbawang tahanan na sasailalim sa pag-aaral hanggang sa buwan ng Setyembre 2026. Hinihiling namin ang taos-pusong pakikipagtulungan ng mga napiling kabahayan upang maisagawa ito nang maayos, tama, at naaayon sa proseso.

Ang proyektong ito ay hindi lamang pagtupad sa tungkulin, kundi isang mahalagang hakbang para sa kalinisan ng kapaligiran at sa maunlad na pamayanan sa ating susunod na sampung taon at sa hinaharap.