Source: Tourism Casiguran

Sa kabundukan ng Casiguran, matagal nang isinasabuhay ng mga katutubong Agta ang pangangaso o paghuhuli ng mga buhay ilang bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan, kultura, at kabuhayan. Para sa kanila, hindi lamang ito simpleng paghahanap ng pagkain kundi isang sinaunang kaugaliang minana pa mula sa kanilang mga ninuno at patuloy na pinangangalagaan hanggang sa kasalukuyan. Kabilang sa kanilang hinuhuli ang unggoy, bayawak, labuyo, usa, musang, at baboy ramo na matatagpuan sa kabundukan.
Noong unang panahon ay walang limitasyon sa pangangaso, ngunit kalaunan ay nagkaroon ng mga patakaran upang mapangalagaan ang kalikasan. Ipinagbabawal ang panghuhuli ng mga inahing baboy ramo tuwing Marso hanggang Agosto dahil ito ang panahon ng kanilang pagbubuntis at panganganak.
Hindi madaling maging mangangaso sa komunidad ng mga Agta. Bago payagang mangaso nang mag-isa, dumaraan muna sa pagsasanay ang mga kabataang Agta sa ilalim ng paggabay ng matatandang miyembro ng komunidad. Bago mangaso, nagsasagawa rin sila ng pag-aalay o deton at humihingi ng basbas sa Apo A Talon bilang paggalang sa kalikasan at espiritu ng kagubatan.
Mahalaga rin sa kanilang kultura ang paggalang sa hangganan ng bawat komunidad. Kinakailangang magpaalam muna ang mangangaso sa lugar na nais niyang pangasuhan upang mapanatili ang kaayusan at mabuting ugnayan ng mga komunidad sa kabundukan.
Higit pa sa paghahanapbuhay, ang pangangaso ay simbolo ng kultura, pagkakaisa, at espiritwal na paniniwala ng mga Agta. Sa kabila ng pagbabago ng panahon, nananatili itong mahalagang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan at pamanang ipinapasa sa susunod na henerasyon.
